CAUAYAN CITY – Maghahain umano ng petisyon ang ilang mga nasibak na empleyado ng ABS-CBN para tutulan ang renewal ng franchise nito.
Ito ang kinumpirma ni Rep. Antonio Albano ng 1st district ng Isabela na nakarating sa kanilang impormasyon kaugnay ng pangangalap nila ng mga impormasyon bago sila magsagawa ng committee hearing sa pag-renew ng franchise ng network.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Albano, vice chairman ng Committee on Legislative Franchises na iniakyat ng network sa Korte Suprema ang kaso matapos manalo sa korte ang mahigit isang libong nasibak na kawani.
Sinabi pa ni Albano na bukod dito ay may mga reklamo rin ang ilang pulitiko na hindi nasunod ang kanilang kontrata dahil pinaboran umano ng network ang ilang pulitiko.
Sinabi pa ng congressman na mahalaga ang timing sa pagtatakda nila ng committee hearing sa renewal ng franchise ng network para maging patas sila sa kanilang pagdedesisyon.
Sinabi pa ng kongresista na karapatan ni Sen. Grace Poe, chair ng Senate Committee on Public Services na magsagawa ng pagdinig in aid of legislation sa mga reklamo hinggil sa paglabag ng network ng franchise nito.
Gayunman, nagpaalala si Albano na hindi na mababawi ni Sen. Poe ang kanyang committee report kapag nakarating na sa Senado ang magiging resulta ng pagdinig ng Kamara.