KALIBO, Aklan – Hiniling ng ilang mga negosyante at residente sa isla ng Boracay na payagan sila ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na makapagsagawa na nang iba’t ibang water sports activities katulad ng dati nilang nakasanayang gawin.
Simula ngayong araw, Mayo 1, na-downgrade na sa general community quarantine (GCQ) ang lalawigan ng Aklan.
Ayon kay Malay Sangguniang Bayan member at negosyanteng si Nenette Aguirre-Graf na ang paliligo sa dagat, gayundin ang mga water sports activity kagaya ng snorkeling, diving, non-motorized watersport kiteboarding, surfing, windsurfing, kayak, paraw, hobbycat sailing at iba pa ay nagbibigay sa kanila ng lakas ng isip at katawan.
Malaki ang kanyang paniniwala na bahagi na ito ng kanilang pamumuhay at makakatulong sa kanilang muling pagbangon.
Dagdag pa ni Graf na nauunawaan umano nila na hindi pa mabubuksan sa turismo ang isla dahil sa banta ng Coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Isa umano ang Boracay sa mga labis na tinamaan ng nagpapatuloy na krisis.
Tatlong beses na aniyang napabagsak ang negosyo sa isla dahilan na nahihirapan ngayong makabangon ang mga maliliit na negosyante.