GENERAL SANTOS CITY – Dawit ang negosyo ng ilang mga prominenteng businessmen sa GenSan sa inilabas na freeze order ng sixth division ng Court of Appeals laban sa mga bank assets ni Pastor Joel Apolinario, ang founder ng Kabus Padatuon o KAPA Community Ministry International Inc.
Batay sa resolusyon na inilabas ng CA na may petsang June 4, 2019, kung saan tumatayong petitioner ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General batay sa Sec. 10 ng Republic Act No. 9160, iniutos ang pag-freeze ng nasa 40 bank accounts sa iba’t ibang bangko sa bansa.
Sampu dito ay nakapangalan mismo kay Joel Apolinario, habang mas marami naman ang nakapangalan sa maybahay nitong si Reyna Apolinario pati ang ilang mga negosyo, at ilang mga kaanak, at mayroon din sa mga kilalang negosyante sa lungsod.
Nabatid na nitong Lunes ng hapon ay pinasok ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bahay ni Apolinario sa Barangay City Heights ng lungsod ng GenSan.
Kasabay ito ng isinagawang synchronized na raid ng ahensya sa mga KAPA offices sa ilang bahagi ng bansa batay sa search warrant na inilabas ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 20 Judge Marivic Umali laban sa nasabing investment scam.
Kaugnay ito sa umano’y paglabag ng KAPA sa Securities Regulation Code.
Hindi naman naabutan ng mga otoridad sa kaniyang bahay si Apolinario na sinasabing nasa Cebu ngayon.