Inamin ng Financial Executives Institute of the Philippines na malaki ang naitalang pag-angat ng kita ng mga negosyo sa Metro Manila at iba pang syudad sa bansa, mula nang umiral ang general community quarantine (GCQ).
Sinabi ni Eduardo Yap ng Finex, pumalo hanggang 65 percent ang naging pagtaas sa kita ng piling online related businesses at deliveries.
Indikasyon umano ito ng lumulutang na iba pang oportunidad para sa pagpapalakas ng ating ekonomiya, kahit may umiiral na COVID-19 pandemic.
Kaya naman, hinimok ni Yap ang mga negosyante na maglaan ng panahon para magamit ang kasalukuyang sitwasyon upang makalikha ng pamamaraan upang hindi mauwi sa pagkalugi ang mga negosyo.
Una rito, sa naging pagtaya ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), maaaring pumalo sa P276.3 billion hanggang P2.5 trillion ang kalugihan ng ating ekonomiya, kung magpapatuloy ang quarantine at iba pang paghihigpit sa ating bansa.
Naniniwala naman ang Finex na sa oras na magkaroon na ng bakuna laban sa COVID-19, agad ring makakabangon ang ating ekonomiya, lalo’t maganda naman ang naging pagsisimula nito noong Enero 2020.