Bagama’t kaliwa’t-kanan ang papuri ng mga Pilipino sa mga MMFF entries ngayong taon, nagpaabot din ng hinaing sa social media ang mga sumusubaybay sa Metro Manila Film Festival (MMFF), patungkol sa limitadong sinehan na nagpapalabas sa ilang mga pelikula, paubusan, at mataas na presyo ng tickets sa takilya.
Napansin ng maraming sumusuporta sa MMFF ang pagiging limitado ng pupwedeng mapanood na film entries sa mga sinehan.
“Sana yung mga nanalo na best screenplay best picture, at best cinematography ay marami ipalabas sa sinehan para mapanood din namen. Nahihirapan kaming makita sila kung saang sinehan sila palabas,” ayon sa isang nagbigay-komento matapos ianunsyo ang mga nanalo sa gabi ng parangal ng MMFF.
“Nakaka-curious. Sayang, limited cinema lang nagsho-show,” ayon sa isa pang netizen matapos umani ng mataas na rating mula sa sikat na film critic page ang isang pelikula.
Nahirapan din ang ilang manonood ng MMFF movies dahil mabilis maubos ang tickets sa ilang takilya.
“Actually nung nanood kami kasama ko halos mga pamangkin ko, halos lahat sold out na yung next pang 10pm na medyo nag alangan pa kami panoorin,” ayon sa isang tagapagsubaybay.
“Di nga makaabot ng ticket,” komento pa ng isang netizen.
Panawagan din ng ilang sumusuporta sa MMFF na babaan ang presyo ng movie tickets.
“Madaming magandang pelikula for MMFF ngayon! Ang problema ko na lng ay pera hahahaha ang mahal ng ticket!” ayon sa isang manonood.
“Napakaganda ng films ngunit limited ang budget ni Juan, mahal ang gas, ang ticket halaga na ng streaming app subscription. We have to be more creative #ThinkSmarter,” base sa post ng isang netizen.
Nagbigay din ng mungkahi ang naturang tagapagsubaybay kagaya ng pagbibigay ng bundle para makatipid ang mga balak manood ng maramihang MMFF films. Nanawagan din siya sa mga movie houses na gumawa ng ilang mga paandar kagaya ng raffle o mga palaro para sa mas abot-kayang movie tickets.
Samantala, nagbabala naman ang Metro Manila Development Authority patungkol sa mga pekeng post sa MMFF ticket sales.