Binalaan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang ilang mga tanggapan ng Philippine offshore gaming operators (POGO) na nakabase sa Eastwood City sa Libis dahil sa mga paglabag.
Una rito, nanguna ang alkalde sa pagsagawa ng surprise inspection upang matiyak na ang mga POGO center ay sumusunod sa pinaiiral na local requirements tulad ng clearances for business.
Kabilang sa mga POGO hubs na inisyuhan ng notice of violations ay ang Omniworld Enterprise, Inc., Singtech Enterprise Inc. at Great Empire Gaming and Amusement Corp.
Nabigo raw kasi ang mga ito na sumunod sa mga local clearances, gaya ng sanitary permit, environmental clearance, occupational permits para sa mga kawani na mga Chinese nationals at iba pa.
Dahil dito ang mga POGO hubs ay binigyan pa ng pagkakataon na 15-araw upang maisaayos ang mga business permit requirements ng Quezon City.
“While we welcome the business locators in our city, we want to ensure that our rules and regulations are followed to the letter. Otherwise, you will have to face the consequences of non-compliance,” ani Belmonte. “Hindi natin maaaring isantabi o di kaya’y palusutin ang mga patakaran ng lungsod dahil mahuhuli at mahuhuli namin kayo.”