LEGAZPI CITY – Bukas sa posibilidad sa pagbalik sa Pilipinas ang ilang overseas Filipino workers (OFW).
Subalit aminadong mas maganda pa rin ang kita sa Hong Kong kaya’t pinaigting ng ilang ang pagbabantay sa kanilang kalusugan.
Kaugnay ito ng pinangangambahang pagkakaroon ng kumakalat na novel coronavirus.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Brenda Jarabelo, higit tatlong taon ng OFW sa Hong Kong, sinabi nito na limitado lamang sa ngayon ang paglabas nila at pagtungo sa matataong lugar.
Tiniyak naman nitong sumusunod sila sa abiso ng local health authorities sa proper hygiene at pagsusuot ng face mask.
Ligtas pa naman aniya ang kanilang lagay sa pinagtatrabauhan habang apela sa mga kapwa OFW na sumunod sa mga abiso upang makaiwas sa sakit.
Sa kabilang dako sa ulat naman ni Bombo international correspondent Jun Mendez, apektado na rin umano ang ilang Filipino business na nagsara sa Hong Kong dahil sa nCoV.
Tinitingnan aniyang mas malala pa ang epekto ng virus kaysa sa pagkaantala ng ilang serbisyo dahil sa magulong mga protesta noon sa naturang rehiyon.