LAOAG CITY – Nanginginig sa takot si Mrs. Tessie Fuerte kasalukuyang nagtatrabaho sa Hong Kong habang isinasalaysay niya sa Bombo Radyo Laoag ang naging karanasan nila ng kapwa OFW matapos bilang makasabayan sa isang double deck bus ang mga protesters.
Aniya, dalawa lamang silang Pilipino na nakasakay sa nasabing bus kung saan mahigit 100 raliyesta ang nakasakay.
Kwento ni Fuerte, taga-Barangay Cabungaan-A, Laoag City, halos himatayin daw sila sa takot at hindi na umupo hanggang hindi sila nakababa sa bus.
Paliwanag niya pumunta sila sa Admiralty MTR para sumakay sana ng tren pero maraming raliyesta sa lugar at sinunog pa ang daan papasok sa tren at marami pa umanong sinira ang mga ito.
Dahil dito, naghanap sina Fuerte ng pwede nilang daanan para makalayo sa lugar.
Habang papalayo ang mga ito ay may dumaan na bus at sumakay ang mga ito.
Subalit hindi nila akalain na puro raliyesta ang nakasakay sa bus kung saan dalawa lamang silang Pilipino ang naidagdag.
Dagdag niya kahit kailan ay hindi niya makakalimutan ang nangyari at kailanman ay hindi na siya pupunta sa nasabing lugar.
Napag-alaman na pumunta sina Fuerte at kasama nito sa lugar dahil may dinaluhan silang pulong at birthday party.