VIGAN CITY – Hinihikayat na umano ng ilang employer sa Hong Kong ang ilang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nagtatrabaho sa nasabing bansa na makilahok sa malawakang protesta laban sa kontrobersyal na extradition bill.
Sa report sa Bombo Radyo Vigan ni Bombo International Correspondent Rose Galinato Alcid na taga-Candon City, Ilocos Sur na tumatayo ring presidente ng OFW-North Alliance, sinabi nito na maging ang kaniyang amo ay nakilahok sa nasabing protesta kung saan ipinaliwanag pa umano nito kung ano ang kanilang ipinaglalaban.
Aniya, hindi man direktang sinabi sa kaniya ng kaniyang amo na makilahok ito sa nasabing protesta, tila ito na rin ang ipinahiwatig nito nang sinabi ng kaniyang amo na ang kanilang pagkontra sa extradition bill ay para rin sa kapakanan ng mga libu-libong Pilipino na nasa Hong Kong.
Kapag naipasa ang extradition bill, lahat umano ng nagkasala sa Hong Kong kung saan kasama pati mga OFW ay sa China isasagawa ang pag-uusig sa kanilang kaso kung saan parusang kamatayan ang kaagad umanong katumbas ng kanilang pagkakasala.