-- Advertisements --

Nakisama na rin ang ilang mga overseas Filipino worker(OFW) na nakabase sa Hong Kong sa panawagang agad na mapauwi si dating Pang. Rodrigo Duterte mula sa pagkakadetene sa The Hague.

Mahigit isang dosenang overseas Filipinos ang sabay-sabay na nagtungo sa Repulse Bay sa Hong Kong at nanawagan para sa agarang pagpapauwi sa dating pangulo.

Nag-alay din ng panalangin ang mga ito para sa dating pangulo at iginiit na anuman ang kaniyang kailangang panagutan ay dapat siyang ibalik na sa bansa.

Maalalang nanggaling ang dating pangulo sa Hong Kong noong araw na siya ay arestuhin at tuluyang ilipad papuntang The Hague, Netherlands.

Una kasing sinamahan ng dating pangulo ang kanyang mga senatorial candidates papuntang Hongkong upang ikampanya sila sa mga OFW na naroon, kasabay ng nalalapit na midterm elections.

Sa kasalukuyan ay mayroong mahigit 83,000 registered Filipino voters sa Hong Kong.