VIGAN CITY – Balik na umano sa normal ang buhay ng ilang residente at overseas Filipino workers (OFW) sa Japan matapos ang paghagupit ng bagyong Hagibis at pagtama ng malakas na lindol.
Sa report sa Bombo Radyo Vigan ni Bombo international correspondent Guillen Palle na taga-Pangasinan ngunit nagtatrabaho bilang factory worker sa Aichi Prefecture sa Japan, sinabi nito balik na umano sa trabaho ang ilan sa mga kagaya nilang manggagawa ngunit ang ilan ay mas pinili munang manatili sa kanilang mga bahay.
Aniya, masuwerte umano ang kanilang lugar dahil sa kanila dapat tatama ang malakas na bagyo ngunit lumihis umano ito at saka tumama sa main Japanese island na Honshu.
Kinumpirma nito na bago ang pananalasa ng nasabing bagyo sa nasabing bansa na ay nagkaroon na ng panic buying sa ilang mga malls at supermarket kung saan pinakaunang naubos ang suplay ng tubig.