-- Advertisements --
duterte in russia

LAOAG CITY – Dismayado ang ilang Pilipino sa Russia sa pakikipagpulong nila kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang inamin ni Miss Ystiel Mina, ng Tagudin, Ilocos Sur pero kasalukuyang nagtatrabaho sa Russia, sa interview sa kanya ng Bombo Radyo Laoag.

Una nang sinabi ni Mina na bago pa ang pagbiyahe ni Pangulong Duterte sa Russia ay may napagkasunduan na silang mga Pilipino na napiling makipagpulong sa kanya na iisa lamang ang hihilingin nila.

Ito ay ang paglagda sana ng kasunduan kay President Vladimir Putin hinggil sa kanilang visa para maging legal na ang kanilang pagtatrabaho sa nasabing bansa.

Subalit ayon kay Mina ay hindi nabanggit ng Pangulong Duterte ang tungkol sa kanilang visa at ang nabanggit lamang nito ay ‘yaong tungkol sa mga expired na ang passport sa Russia.

Maliban dito, nabanggit pa ng Pangulo ang tungkol sa human rights, drug operations at iba pang nangyayari sa bansa.

Kwento pa ni Mina, hindi sila nabigyan ng pagkakataon para iparating kay Duterte ang kanilang kahilingan dahil matapos ang pagsasalita ng Pangulo ng mahigit isang oras ay agad nang umalis dahil sa flight nila pabalik ng Pilipinas.