-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nagpaalala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Negros Occidental sa ilang overseas Filipino workers (OFWs) na umuwi kaninang umaga na pababalikin sila sa barko kung patuloy silang magmamatigas na sumailalim sa 14-day mandatory quarantine bago umuwi sa kanilang pamilya.

Kabuuang 45 na mga OFWs ang kabilang sa 77 na umuwi kaninang umaga sakay sa 2Go Malasakit trip ng Maritime Industry Authority (MARINA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) habang ang iba naman ay mga residente ng Bacolod City.

Nanawagan si PDRRMO head Zeaphard Gerhart Caelian ng kooperasyon ng mga OFWs na tumanggi na dalhin sa provincial healing center sa EB Magalona.

Ayon kay Caelian, tumanggi ang ilan sa mga OFWs na sumakay sa bus papuntang EB Magalona kung saan sila isasailalim sa orientation at testing bago bigyan ng clearance na ililipat sa hotel na inihanda ng OWWA sa Bacolod City.

Ang iba namang OFWs ay nagpupumilit na kaagad na umuwi sa kanilang bahay dahil ayon umano sa mga ito, sumailaim na sila sa quarantine sa Metro Manila bago umuwi.

Aniya, kung hindi susunod ang mga OFWs sa rules ng kapitolyo, ibabalik ang mga ito sa barko na kanilang sinakyan mula sa Metro Manila.

Paliwanag ni Caelian, hindi rin tatanggapin ng LGUs ang mga OFWs kung walang clearance mula sa provincial government.