KORONADAL CITY – Dumulog sa Bombo Radyo Koronadal ang grupo ng mga overseas Filipino workers (OFW’s) sa bansang Qatar na umano’y nabiktima sa tinaguriang Paluwagan investment scheme.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Aldrin, isa sa mga nag-invest ng malaking halaga ng pera sa paluwagan na ino-offer ng Gopal Sales Enterprises na nakabase sa Cotabato City, nag-invest ito kapalit ng pangako ng nabanggit na kompaniya na mga construction materials sa pagpapagawa ng bahay.
Ayon kay Aldrin, pito silang mga OFW’s sa binuong group chat ng handler ng Gopal kung saan ang bawat isa ay may mga slot na kinuha kung saan kailangan nilang magbigay ng pera kada buwan upang mabuo ang P100,000 na halaga ng construction materials na makukuha ng mga myembro.
Buwan pa umano ng Abril nitong taon sila nagbigay ng pera kung saan sa kanilang grupo lamang ay mahigit P150,000 na ang naipadala sa nagngangalang Jomel Diaculano na finance officer ng Gopal group at head na si Gina Dioculano .
Dapat umano’y noong buwan ng Marso, at Abril pa sila nakatanggap ng mga construction materials na kapalit ng kanilang investment ngunit wala silang natanggap sa halip ay marami lamang palusot ang handler ng kanilang group chat.
Sa ngayon, hiling nga grupo na e-refund ang kanilang pera dahil pinaghirapan nila ito sa ibang bansa.
Aminado rin ang mga ito na marami pang mga OFW’s na nabiktima rin ng nabanggit na paluwagan scheme.
Napag-alaman na nang-re-recruit ang mga kasapi ng Gopal online at karamihan sa mga biktima ay OFW’s at mga pamilya nito.