LAOAG CITY – Inihayag ni Bombo International News Correspondent Ronil Zamudio mula sa Brunei na makuha nila nang maayos ang kanilang sahod.
Ito ang kanyang hiling na iparating kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa kanyang state visit sa Brunei.
Ayon kay Zamudio, ito ay matapos na hindi pa rin agad natatanggap ng ilang mga kapwa niya Overseas Filipino Workers ang kanilang sahod mula sa kanilang mga amo.
May mga pagkakataon pa rin aniya na naaantala ang pagbabayad ng suweldo ng kanyang mga kapwa manggagawa sa bansa taliwas sa pinirmahan nilang kontrata.
Bukod dito, hiniling din ni Zamudio kay Pangulong Marcos na ibalik ang Social Security System at mga tanggapan ng Pag-IBIG dahil marami sa kanila ang hindi pa nakapag-apply sa mga ito bagay na kailangan nila bilang Overseas Filipino Worker.
Dagdag pa niya, nagkaroon sila ng Meet and Greet ni Pangulong Marcos ngunit hindi sila masyadong nakapag-usap dahil sa abalang iskedyul ng Pangulo.
Aniya, maganda ang pagkakaroon ng kasunduan na nilagdaan ni Pangulong Marcos at Brunei Sultan Hassanal Bolkiah sa pagtutulungan sa turismo upang madagdagan ang bilang ng mga dayuhan na pumupunta sa bansa.
Samantala, si Zamudio ay Company Driver sa isang Construction Firm sa Brunei at 11 taon nang naglilingkod bilang Overseas Filipino Worker sa nasabing bansa.