NAGA CITY – Umalma ang ilang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Hong Kong hinggil sa umano’y hindi pagbibigay ng day off ng ilang mga employers.
Ito’y kaugnay pa rin ng nagpapatuloy na banta ng coronavirus disease (COVID-19) sa nasabing bansa.
Sa report ni Bombo International Correspondent Mary Julianda Samillano ng Hong Kong, sinabi nitong may ilan umanong mga OFWs ang nagrereklamo sa kanilang trabaho dahil hindi ito pinalalabas ng kanilang mga employers sa takot na mahawaan ng nasabing sakit.
Ayon kay Samillano, ang ilan sa mga ito dumadaing na ng pagod at exhaustion sa kanilang mga trabaho.
Aniya, makikita umano ngayon ang pagbabago sa nasabing bansa na dating puno ng kulay ngayon ay mistula nang ghost town.
Samantala, ayon kay Samillano sa ngayon nakahinga na silang maluwag dahil paunti-unti bumabalik na sa normal ang supplies ng mga prime commodities sa kanilang lugar.