BAGUIO CITY – Aprubado at suportado ng ilang mga overseas Filipino workers (OFWs) ang idineklara ng pamahalaan ng Pilipinas na total deployment ban sa mga Pinoy workers sa Kuwait.
Kasunod ito ng pagkamatay ng OFW na si Jeanelyn Villavende matapos pahirapan at sekswal na abusuhin ng kanyang mga employers sa Kuwait.
Sa panayan ng Bombo Radyo kay Marina Aydon, isang OFW sa Kuwait, sinabi niya na base sa kanyang karanasan ay mas marami talaga ang mga employers doon na may masamang ugali.
Aniya, kung siya ang magbigay ng rate ay 80 percent sa mga employers sa Kuwait ay may masasamang ugali habang 20 percent lamang ang may magagandang ugali.
Ibinahagi niya na wala pa siyang isang taon sa Kuwait ay lumipat na ito ng bagong employer dahil sa sama ng ugali ng dati niyang amo.
Karamihan din aniya sa mga ka-batch niyang pumunta ng Kuwait ay nagsasabing hindi maganda ang ugali ng mga employers ng mga ito.
Iginiit ni Aydon na tama lamang ang total deployment ban para mabigyan ng leksiyon ang mga Kuwaiti employers.
Dinagdag pa niya na hindi lamang sa Kuwait pwedeng mag-abroad ang mga kababayan para magtrabaho.
Sa huli, sinabi ni Aydon na kahit mabait ang kanyang employer ngayon ay mas gugustuhin pa rin niya ang total deployment ban.