BACOLOD CITY – Itinaas na sa Alert Level III ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ilang distrito sa Libya kasunod na pagtindi ng kaguluhan sa naturang bansa.
Kasunod ng deklarasyon ay ang pagmungkahi ng embahada ng Pilipinas sa mga Pilipino sa kabisera na Tripoli at sa mga lugar na nasa 100-kilometer radius nito na ikonsidera ang repatriation para maiwasan na maipit sa kaguluhan.
Nasa ilalim ng nabanggit na alert level na nangangahulugang voluntary repatriation, ang mga lugar ng Tajoura, Ghot Romman, Qaraboli, Qasr Khiyar, Esbea, Tarhuna, Bani Waled, Gharyan, Aziziya, Warshifana, Zawia, Surman at Sabratha.
Sa kabila nito, may ilang Pilipino pa rin na piniling manatili sa Libya sa kabila ng sitwasyon.
Sa panayam ng Star FM Bacolod kay Ginang Ruth Rule, naiintindihan aniya nila ang concern ng gobyerno subalit mas pipiliin nila ang kanilang trabaho sa Libya dahil wala naman umano silang trabahong papasukan kung babalik sila ng Pilipinas.
Dagdag pa niya, normal naman ang sitwasyon sa Tripoli at business as usual pa rin.
Dahil sa Alert Level III, hindi muna papayagang makapasok ng Libya ang mga Filipino workers na nagbabalak magtrabaho o babalik mula sa bakasyon.
Mananatili namang bukas ang embahada ng Pilipinas sa Tripoli para magbigay ng assistance sa mga Pilipino roon.