BAGUIO CITY – Nabigyan na ng tulong ang ilang OFWs sa Oman na nagsasabing ilang beses na lamang silang kumakain sa loob ng isang araw dahil sa COVID-19 crisis.
Una rito sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan ay sinabi ng OFW na si Joel Agustin mula Nueva Ecija na isang waiter sa Oman na hindi na ito kumakain sa umaga at tanghali at tanging sa gabi na lamang ito kumakain.
Inireklamo pa ng nasabing OFW ang umano’y kawalan ng tulong ng embahada ng Pilipinas.
Gayunman sa interbyu ng Bombo Radyo Baguio kay Labor Attaché Atty. Gregorio Abalos, Jr. mula sa Muscat, Oman, sinabi niyang natulungan na ang nasabing OFW at ang kanyang mga kasama sa pamamagitan din ng Bombo Radyo.
Aniya, naiparating na sa kanilang opisina ang problema ng ilang OFWs doon sa Oman dahil sa report ng himpilan.
Ipinaliwanag ni Abalos ang dahilan ng pagkaantala ng pamamahagi ng tulong sa nasabing OFW at sa kanyang mga kasama.
Sinabi ng opisyal na nakatira si Agustin sa Salalah, Oman na isang malayong lugar at mararating pagkatapos ng isang oras at 30 minutong biyahe sa pamamagitan ng eroplano.
Tiniyak ni Abalos na nakausap niya si Agustin at nabigyan na ito at ng kanyang mga kasama ng relief packs at inihahanda na rin ang aplikasyon nito sa Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) program ng DOLE.