Hindi ma-access ang ilang online services ng Department of Migrant Workers (DMW) matapos ang ransomware attack nitong araw ng Martes, Hulyo 16.
Nagbunsod ito sa pansamantalang pag-offline sa online system ng ahensiya para maprotektahan ang data at impormasyon ng OFWs.
Kabilang sa mga online services na pansamantalang paralisado ay ang electronic o online systems na nag-iisyu ng Overseas Employment Certificate/ OFW passes at OFW information sheets.
Sinisikap naman ng ahensiya sa pakikipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology para maibalik ang online systems.
Sa kabutihang palad naman, hindi naapektuhan sa ransomware attack ang database na naglalaman ng mga data ng OFWs.
Pansamantala, para sa mga OFWs na kukuha ng OECs/ OFW pass, maaaring magtungo sa DMW National Office, Regional offices at extensions, maging sa One-stop shops at Migrant Workers Assistance Centers para sa manual na pagproseso ng mga nasabing dokumento.
Para naman sa mga kukuha ng kanilang information sheets, maaaring ipadala na lamang ang kanilang request para sa information sheets sa pamamagitan ng kanilang email na infosheet@dmw.gov.ph o sa DMW facebook page messenger.
Saka magpapadala naman ang DMW ng QR-coded information sheets nang direkta sa requesting worker.
Samantala, humingi naman ng paumanhin ang DMW sa abalang dulot ng insidente sa mga OFW at sa miyembro ng kanilang pamilya.