Nagsara na umano ang operasyon ng ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa dahil sa ginagawang paghihigpit ngayon sa iligal na pagsusugal sa pamamagitan ng online sa China.
Kinumpirma ngayon ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III, ilang Chinese workers ang nagsimula nang magkansela ng kanilang inuupahang establisyemento para matigil ang operasyon.
Kabilang din daw sa kadahilanan ay kakulangan ng mga kostumer o mga nagsusugal.
Ayon pa kay Dominguez, lalo pa raw naghigpit ang Chinese government sa isyu ng money transfers.
Gayundin, kinakansela ang mga passports ng mga Chinese nationals na nasa POGO industry sa bansa.
Naungkat ang naturang usapin nang matanong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si Sec. Dominguez kung magkano ang kinita ng gobyerno sa online gambling operators ngayong taon.
Batay naman sa data mula sa DOF noong nakaraang taon, nakapagtala ang Pilipinas ng aabot sa P6.42 billion mula sa mga buwis ng POGOs at kanilang service providers.