Hinamon ni Senador Raffy Tulfo ang ilang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources na magpa-lie detector test at polygraph test.
Sa plenary deliberations ng panukalang pondo ng DENR para sa 2025, napuna ni Tulfo ang isang circular ng ahensya na nag-e-exempt sa ilang impormasyon tungkol sa pagmimina, partikular sa mga aplikasyon para sa Environmental Compliance Certificate (ECC), mula sa saklaw ng Freedom of Information (FOI) order.
Exempted sa Freedom of Information Act ang mga datos, impormasyon ng mga minero, mining companies tungkol sa uri ng mineral na kanilang mina, at klase ng grado.
Sinabi ni Tulfo na sinubukan ng mga non-government organization na kunin ang impormasyon ngunit tinanggihan sila.
Ipinaliwanag ni Villar, na siyang dumidepensa sa budget ng DENR, na ang exemption na ito ay naaayon sa Data Privacy Act dahil ang impormasyon ay naglalaman ng trade secrets ng mga mining companies.
Ngunit paliwanag ni Tulfo, may karapatan ang taumbayan na malaman ang datos tungkol sa mga likas-yaman ng estado na pinakikinabangan ng mga private entity.
Samantala, nasita rin ng senador kung bakit di man lang daw inimbita ang mga taga Masungi Georeserve sa isa sa mga events nito sa Rizal para sa project Transdisciplinary Approach for Resilience and Environmental Sustainability through Multi-stakeholder Engagement (Transform).
Wala rin aniyang inimbitang indigenous tribe leaders at watershed NGOs.
Depensa ng DENR, nag-imbita sila ng taga Masungi at maging ng Indigenous People Representative.
Bibigyan nila aniya si Tulfo ng kopya ng imbitasyon para sa Masungi.
Naniniwala naman ang mambabatas na hindi talaga naimbita ang mga taga Masungi.
Nainis din ang senador dahil ang naimbitahan pa raw sa event ay dalawang quarry operators kung saan ang isa ay sinuspinde pa ang permit dahil nag-ooperate sa loob ng protected area sa Masungi Georeserve sa Rizal.
Gayunpaman, lumusot naman sa deliberasyon ng Senado ang panukalang P26.37 billion na pondo ng DENR para sa 2025.