CAUAYAN CITY – Stranded ngayon ang ilang opisyal ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela na dumalo sa Agri-week of Agriculture Technology o Agri- Expo sa bansang Japan dahil sa pananalasa ng bagyong Hagibis sa nasabing bansa.
Ito ay makaraang kanselahin ang flight ng 11 opisyal ng Isabela provincial government kabilang ang pitong kasapi ng Sangguniang Panlalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Board Member Fred Alili, isa sa mga na-stranded na malakas na ang nararanasang pag-ulan sa Tokyo, Japan sanhi para kanselahin ang kanilang flight pabalik ng Pilipinas.
Nag-check out na aniya sila sa kanilang hotel nang malamang kanselado ang kanilang flight na naging sanhi para mahirapan silang mag-book ng kanilang tutuluyang hotel dahil fully book na ang karamihang hotel sa Tokyo.
Sa Huli ay nakahanap din sila ng hotel kung saan sila magpapalipas ng buong magdamag.
Nararanasan na ang malakas na ulan at hangin dulot ng bagyong Hagibis sanhi para magsara na ang mga bahay kalakal na kinabibilangan ng mga restaurants, maging ng mga train, subway at airport.