Pinuri ng ilang church officials ang bagong inilathalang probisyon ni Pope Francis patungkol sa isyu ng sexual abuse cases sa simbahang Katolika.
Ito ay matapos atasan ng Santo Papa ang mga pari at madre sa buong mundo na ireport ang mga ang nasabing pang-aabuso at pati na rin ang ginagawang diumano’y pangungunsinti ng ilang superior authorities sa simbahan patungkol sa gawain na ito.
Ngunit ayon kay Anne Barrett Doyle ng Bishop accountability, hindi raw sapat ang aksyong ito ng Santo Papa dahil wala naman daw naghihintay na karampatang parusa sa sinumang mapapatunayan na suspek sa sexual abuse.
Inatasan din ni Pope Francis ang mga ito na gumawa ng isang public system kung saan maaaring dumulog ang kahit sinnuman at mananatiling sikreto ang kanilang personal na impormasyon.
Ikinatuwa naman ng mga biktima ang balitang ito ng Santo Papa ngunit inamin nilang nakukulangan sila sa aksyong ito dahil hindi raw nila kinakailangan mag-report sa mga otoridad lalo na’t matagal na panahon na raw silang humihingi ng hustisya ngunit tila hinaharangan ito ng mga obispo.
Hindi na raw dapat pang mauwi sa argumento kung dapat gawing mandato ang pagrereport ng mga biktima sa otoridad, ayon pa sa global victims group na Ending Clergy Abuse (ECA).
“People must know that bishops are at the service of the people. They are not above the law, and if they do wrong, they must be reported,” saad naman ni Archbishop Charles Scicluna, ang matagal nang sex crimes prosecutor ng Vatican.
Ipinag-utos nga ng Santo Papa na kung sinuman ang lalapit upang magsumbong ay kinakailangan tulungan, suportahan at pakinggan ng pamunuan ng simbahan.
At hangga’t maaari ay alukin ang mga biktima ng spiritual, medical, at psychological assistance.
Nakasaad din sa nasabing batas na hindi maaaring pilitin ang mga biktima na manahimik kahit na pasikreto umanong isinasagawa ang imbestigasyon sa kanilang kaso.