-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Magtitipon ang mga naulilang pamilya ng mga biktima ng malagim na masaker sa Lungsod ng Heneral Santos partikular sa Forest Lake Cemetery sa Barangay Apopong.

Ito’y kaugnay sa nakatakdang promulgasyon o pagbaba ng hatol sa multiple murder case sa sala ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes laban sa mga akusado ngayong Disyembre 19.

Alas-8:00 ngayong umaga isasagawa ang candlelighting ceremony, gayundin ang pag-alalay ng panalangin at bulaklak sa markers ng mga biktima habang naghihintay ng desisyon sa kaso.

Maglalagay din ng wide screen para makita ng media at mga pamilya ng mga biktima ang live coverage sa pagbaba ng hatol.

Inihayag sa Bombo Radyo GenSan ni Elliver Cablitas, mister ng namatay na si Marites Cablitas, na sa wakas ay dumating na ang araw na kanilang pinakahihintay makalipas ang 10 taon.

Ayon rito, ipagdadasal niya si Judge Reyes na sana ay maglalabas ng paborableng hatol para sa mga pamilya ng mga biktima na uhaw sa pagkamit ng katartungan.

Nabatid na 12 mula sa 58 biktima ng masaker ang inilibing sa Forest Lake Cemetery sa GenSan.