Nagpaplano na umano ang ilang ospital na kumalas na rin sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa susunod na taon at hindi na magre-renew sa kanilang registration sa naturang state insurer.
Una nang iniulat ng PhiHealth na meron silang natanggap na ilang mga ospital ang nagsasagawa ng “upcasing” o iligal na paglalagay sa isang pasyente sa kunyari ay COVID patient upang makatanggap ng mas malaking kabayaran sa reimbursement.
Gayunman, itinanggi ito ni Dr. Jose Rene de Grano, ang namumuno ng Philippine Hospital Association of the Philippines (PHAPi).
Ayon kay Dr. De Grano karamihan ng mga ospital ay hindi pa nga raw nababayaran ng PhilHealth sa reimbursements para sa gamutan sa mga COVID-19 treatment sa mga pasyente.
Sa kanya raw pagkakaalam mula pa noong taong 2020 ang halos mga COVID cases ay hindi pa rin nababayaran ng PhilHealth.
Reklamo pa ni Dr. De Grano kung meron umanong katiwalian sa PhilHealth claims ang isang ospital ay dapat ‘yon lamang ang dapat iho-hold, pero bakit naman daw lahat ng claims ay ibinitin.
Una na ring naghimutok si Dr. Noberto Francisco, ang spokesman ng Lung Center of the Philippines na maging ang kanilang pagamutan ay hindi pa nakakatanggap ng kabayaran sa PhilHealth mula pa noong nakaraang taon.
Samantala, kaugnay nito nangako naman si PhilHealth chief Dante Gierran na babayaran nila ang 60% ang pagkakautang na aabot sa P21 billion bilang bahagi ng unpaid claims.