Muling matututukan na ng ilang mga ospital sa National Capital Region (NCR) ang mga non-coronavirus patients dahil sa patuloy na pagbaba ng bilang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Philippine General Hospital (PGH) spokesman Dr. Jonas del Rosario, nasa 57 na lamang ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa kanilang mga pasilidad mula sa 320 na mga kama na inilaan para sa mga pasyente na nagpositibo sa nasabing virus.
Bumaba na rin aniya sa kalahati ang occupancy ng Intensive Care Unit (ICU) ng kanilang pagamutan.
Aniya, dahil dito ay nagkaroon ng pagkakataon ang PGH na muling buksan ang ibang wards nito para makapagsilbi sa maraming non-COVID patients ng ospital.
Samantala, bukas na rin ang emergency medicine department, outpatient department, at tumatanggap na rin ng non-COVID patients ang Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium.
Ayon naman kay Dr. Alfonso Victorino Famaran Jr., medical center chief of the hospital na mula sa dating 460 ay bumaba na sa 35 ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa kanilang pagamutan.
Bumaba na rin sa 32% ng kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Lung Center of the Philippines habang mayroon namang nakalaan na isang ward na may 57 na mga kama para sa mga pasyenteng may COVID-19.
Sinabi ni Lung Center of the Philippines pulmonary medicine specialist Dr. Norberto Francisco, na 13 mga pasyente na lamang ang kasalukuyang naka-admit ngayon sa kanilang ospital.
Sa patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa ay patuloy pa rin na pinaaalalahanan ng mga eksperto at kinauukulan ang publiko na magpatuloy na mag ingat at sumunod sa ipinapatupad na health and safety protocols upang makaiwas sa panganib na dala ng COVID-19.