Nagsagawa na ng dry run ang ilang mga paaralan sa Metro Manila na napiling maging bahagi sa isasagawang face to face classes sa susunod na linggo.
Ito ay bilang bahagi ng mahigpit na paghahanda ng 28 na mga paaralan sa rehiyon na makakasali sa kauna-unahang implementasyon ng face to face classes sa darating na Lunes, December 6.
Isa na rito ay ang Comembo Elementary School sa lungsod ng Makati kung saan ay nasa 72 kindergarten hanggang Grade 3 students ang makikibahago sa nasabing in person classes.
May nakatalaga ring UV light at air purifier para ma-disinfect ang mga classroom na gagamitin ng mga estudyante.
Bubuksan naman ang mga bintana at gagamit ng electric fan ang mga silid aralan habang isinasagawa ang klase upang maging maayos din ang ventilation ng hangin dito.
Para na rin sa kaligtasan ng mga mag-aaral ay hatid-sundo ng jeep ng lokal na pamahalaan ng Makati City ang ilan sa mga estudyante nito.
May nakatalaga ring mga holding at isolation areas pati clinic sa mga paaralaan para sa mga estudyanteng makikitaan ng sintomas ng virus.
Samantala, sa kanyang social media post ay ibinahagi rin ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang isinasagawang paghahanda ng kanilang lungsod sa isasagawang face to face classes na gaganapin naman sa Pasig Elementary School.
Sa inilabas na pahayag ng Department of Education (DepEd), nasa 177 ang kabuuang bilang ng mga pampublikong paaralan ang napayagang makibahagi sa isasagawang second batch ng face-to-face classes sa bansa sa darating Lunes sa susunod na linggo.