Inaasahan na magkakaroon ng siginificant changes kasabay ng pagpapalit ng liderato ng Department of Agriculture (DA) sa ilalim ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Ayon sa tagapagsalita ng ahensiya na si Assistant Secretary Arnel De Mesa, ang mga ipapatupad na mga pagbabago ay pangunahing nakatuon para sa pagpapabuti ng pamamahala at mga operasyon ng DA.
Dagdag pa ng opisyal na layunin ng mga pagbabagong ito na gawing mas matatag at stable ang ahensiya at buong sektor ng agrikultura sa bansa.
Sinabi din ng opisyal na nakasama din aniya nila si Sec. Laurel sa mga pagpupulong sa Palasyo Malacanang dahil miyembro ito ng Private Sector Advisory Council.
Pagdating naman sa balasahan sa matataas na opisyal ng DA, sinabi ni De Mesa na nasa diskresyon na ito ng bagong kalihim.
Matatandaan na noong Biyernes, inanusiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtalaga kay Laurel bilang kaniyang kapalit bilang kalihim ng DA na hinawakan ng Pangulo simula ng maupo ito sa pwesto noong nakalipas na taon.