Nakatakdang magpatupad ng ilang pagbabago ang Department of Agriculture(DA) sa susunod na taon.
Ito ay upang magawang mas simple at direkta ang mga regulatory process ng ahensya upang mapabilis ang pagsisilbi sa mga kliyente nito.
Maalalang noong buwan ng Mayo, 2024 ay bumuo si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ng isang technical working group (TWG) upang magsagawa ng komprehensibong pagrepaso sa mga regulasyong sinusunod at ipinatupad ng DA.
Ayon kay Undersecretary Asis Perez, ang mas simpleng regulatory process ay magbibigay daan sa reduction o pagtapyas ng bayad sa pagkain, at tiyak na makakahikayat sa mga mamumuhunan sa pagsasaka.
Kabilang sa mga papalitan o gagawing mas simple ay ang mga komplikadong regulatory process at mga paulit-ulit na requirements na binabalikat ng mga traders at mga negosyante. Ang dagdag aniyang ginagastos dito ay ipinapasa at ipinapabalikat sa mga konsyumer.
Isa sa mga inihalimbawa ni Usec Perez ay ang pangangailangan ng mga cold storage owners na mag-submit pa ng mga Mayor’s Permit, Barangay Clearance, at iba pang dokumento para makapag-operate ng naturang pasilidad.
Ayon sa opisyal, kailangang maging mas simple at mas limitado na lamang ang bilang ng mga isusumiteng dokumento nang hindi nauulit na binabalikat ng mga traders.
Ayon kay Perez, marami pang ibang kahalintulad na pagbabago ang kailangang ipatupad ng DA.
Sa ngayon ay umaasa ang ahensiya na matatapos na ang pagrepaso sa susunod na walong buwan at maipatupad na kaagad ang mga pagbabago sa susunod na taon.