NAGA CITY – Kasalukuyang hindi pa rin madaanan sa ngayon ang ilang kalsada sa ilang distrito sa probinsya ng Camarines Sur matapos makapagtala ng pagguho ng lupa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Minalabac Mayor Christopher Lizardo, sinabi nito na sa ngayon apektado ng naturang insidente ang bayan ng Bula, Balatan at Minalabac, Camarines Sur.
Ayon kay Lizardo, una nang naitala ang pagguho ng lupa sa Barangay del Socorro sa bayan ng Minalabac matapos ang pagdaan ng bagyong Quinta at bagyong Rolly.
Kaugnay nito umabot sa 18 bahay ang naapektuhan ng nasabing insidente kung saan pansamantala muna itong hinahanapan ng lokal na gobyerno nang lugar na malilipatan.
Samantala, ayon kay Lizardo muli na namang nakapagtala ng kaparehas na insidente sa Barangay Sto. Niño sa bayan ng Bula kung saan kasalukuyan unpassable pa rin ang nasabing lugar.
Nabatid na dahil sa nasabing insidente isa umano ang convoy ni Vice President Leni Robredo sa mga sasakyan na hindi nagawang makadaan dito.
Ang nasabing lugar umano kasi ay nagkokonekta sa ilang bayan at distrito sa probinsya.
Sa ngayon hindi pa umano matukoy ng alkalde kung kailan muling mabubuksan sa mga motorista ang nasabing mga lugar.