LEGAZPI CITY – Inaalam pa ng Office of Civil Defense (OCD)-Bicol katuwang ang iba pang ahensya kung ilan ang aabuting halaga ng mga napinsalang pananim matapos malubog sa baha.
Ayon kay OCD-Bicol Director Claudio Yucot sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, may mga lugar sa rehiyon na binaha dahil sa malakas na habagat na pinalala pa ng Bagyong Hanna.
Sa bayan ng Polangui sa Albay, binaha ang mga barangay ng Ubaliw, Centro Oriental at Centro Occidental, gayundin sa Gabon at Balangibang, Kinale at Basud.
Karamihan aniya sa mga nasira ang kakatanim lang na mga palay, habang nasa 45 residente naman ang inilikas dahil sa baha.
Sa Nabua, Camarines Sur, binaha ang Barangay Antipolo Young at Barangay Antipolo Old, San Jose at Lourdes.
Samantala, na-rescue naman ang isang mangingisda na mula sa Romblon sa San Pascual, Masbate.
Nakuha si Vernald Monte, 29-anyos, na palutang-lutang sa malapit sa bangkang napinsala sa kasagsagan ng malakas at malalaking alon ng karagatan.
Nananatili naman sa Blue Alert status ang OCD upang ma-monitor ang posibleng development sa mga risk areas sa rehiyon.