-- Advertisements --

HONG KONG – Balik-operasyon na ang Hong Kong International Airport matapos ang isinagawang welga ng libo-libong aviation workers upang makiisa sa extradition protest na nagaganap sa naturang lungsod.

Kinansela kahapon ang 250 ng 1,000 passenger flights na nagdulot ng pagka-stranded ng mga pasahero maging sa ibang bansa na may biyahe ang Cathay Pacific.

Kinakailangan namang kanselahin ng Cathay Pacific at Cathay Dragon ang kanilang 140 flights.

Kinumpirma ng MTR Corporation, railway operator ng lungsod, na maging ang mga cross-border train services ay magpapatuloy na rin.

Nagbigay din ang nasabing paliparan ng abiso sa kanilang mga pasahero na asahan na magiging masikip ang global transport hub dahil sigurado umano na dadagsa ang mga kapwa nila pasahero na na-reschedule ang flight.

Samantala, isang pambihirang pagkakataon naman ang ginawa ng tatlong myembro ng anti-government movement sa Hong Kong matapos nilang humarap sa media.

Ginamit nila ang pagkakataon na ito upang hingin sa kanilang gobyerno and demokrasya, kalayaan at pagkakapantay-pantay.

Nanawagan din sila kay Hong Kong leader Carrie Lam na ibalik sa mamamayahan ang kapangyarihan ng gobyerno at dinggin ang isinisigaw ng kanilang mga kapwa raliyista.