GENERAL SANTOS CITY – Nakadalaw na ang mga pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre ngayong All Souls Day sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Kaninang umaga, anim pa lang na puntod ang mayroong mga bulaklak kabilang na ang ang mga puntod nina Romy Pirante, Francisco Subang, Gina Dela Cruz, Russel Morales, Eleanor Dalmacio, Marites Cablitas na pawang mga miyembro ng media sa SOCCSKSARGEN.
Nasa 12 mamahayag ang inilibing sa Forest Lake Cemetery sa Apopong sa General Santos City.
Bagamat maraming pangako ang napako sa pagresolba ng kaso, hindi nawawalan ng pag-asa ang mga pamilya na masisintensiyahan na ang prime suspect na si dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan.
Umaasa ang mga naulila na ipalalabas ang desisyon sa mga kasong isinampa laban sa mga dating opisyal na sangkot bago ang isang dekadang anibersaryo nito sa Nobyembre 23, 2019.
Sa naturang masaker, 58 ang namatay kabilang n ang mahigit 30 na mga media practitioners.