-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nagpatupad na ng preemptive evacuation ang lokal na pamahalaan ng Polangui sa lalawigan ng Albay sa ilang mga residente matapos malubog sa baha ang isang barangay bungsod ng nararanasang malakas na pag-ulan.

Ayon kay Police Major Edgar Azotea, hepe ng Polangui Municipal Police sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, inilikas na ang nasa 25 pamilya mula sa Barangay Balangibang dahil sa pag-apaw ng tubig sa mga ilog.

Paliwanag ng opisyal, ang Barangay Balangibang ang nagsisilbing basin ng naturang bayan dahil dito bumabagsak ang tubig na mula sa ikatlong Distrito ng Albay.

Layunin aniya ng pagpapalikas sa mga residente ang pagpapanatili ng zero casualty lalo pa tuwing masama ang kalagayan ng panahon.

Dagdag pa ni Azotea na nakahanda na rin ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng Polangui upang maghatid ng food packs sa mga ito.

Samantala, ayon sa opisyal, bumuo na rin sila ng search and rescue team na tututok sa pagsiguro ng kaligtasan ng mga evacuees.