Pinag-aaralan na ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang ilang mga panukalang batas na maaaring ihain sa Kamara bilang resulta ng sunod-sunod na pagdinig sa confidential at intelligence fund ng Department of Education at Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Committee Chair Cong. Joel Chua, pangunahin sa mga pinagbabasehan ng komite ay ang paglalaan ng CIF sa ilang mga ahensiya ng pamahalaan.
Una nang pinuna ni VP Sara Duterte ang naturang pagdinig kung saan hindi siya dumalo sa kabila ng mga imbitasyon, kasama ang ilan pang opisyal sa ilalim ng kaniyang opisina.
Hiniling din ng pangalawang pangulo na magpakita ang mga kongresista ng kopya ng ginagawang panukalang batas upang maniwalang ang ginagawang pagdinig ay matatawag na ‘in aid of legislation’
Giit ni Chua, kasalukuyan nang binubuo ang ilang panukala at tiyak aniyang ihahain na ang mga ito sa Kamara sa lalong-madaling panahon.
Kinabibilangan ito ng posibleng limitasyon ng CIF, akmang government agencies na maaaring makatanggap, limitasyon sa kung saan maaaring gamitin ang CIF, maayos na liquidation at iba pa.
Sa kasalukuyan ay mas malaki aniya ang pangangailangang magkaroon ng pagbabago sa Joint Circular 2015-001 para sa paghimay ng Confidential at Intelligence Funds (CIF).
Ayon kay Chua, bagaman inihahanda na ang mga panukalang batas, aminado rin ang Commission on Audit na kailangan nang baguhin ang charter na pinagbabasehan sa pag-audit ng CIF kaya’t tinitingnan din ng komite ang maaaring maitulong para rito.