VIGAN CITY – Itinutulak ng ilang miyembro ng oposisyon sa Kamara na baguhin ng Department of Education (DepEd) ang ilang mga panuntunang kanilang ipinapatupad na may kaugnayan sa education system sa bansa.
Ito ay kasunod ng napaulat na halos 70,000 mga mag-aaral sa Bicol ang ‘di marunong magbasa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, sinabi nito na kailangang maging open minded ang DepEd na tanggapin ang mga mali sa curriculum o sistema ng edukasyon sa bansa upang malaman kung saan sila nagkukulang at kung saan sila maaaring magpatupad ng pagbabago.
Aniya, kahit hindi umano totoo ang mga kumalat na balita, dapat lamang na pag-aralan ng DepEd ang mga interventions na maaari nilang gawin upang masigurong lahat ng mga estudyante ay marunong magbasa at naiintindihan nila ang kanilang mga binabasa.
Inirekomenda rin ng kongresista na dapat ay ma-review ang K-12 curriculum upang malaman kung epektibo ito.
Dapat din aniya ay konsultahin din ang mga nasa grassroots para hindi lang umano ang mga eksperto ang kanilang laging kinokonsulta kaugnay sa nasabing isyu.