Ilang paaralan sa Metro Manila ang nag-anunsiyo ng suspensiyon ng face-to-face classes ngayong araw.
Ito ay dahil pa rin sa tigil pasada na isinasagawa ng ilang transport groups bilang protesta sa Public Utility Vehicle Modernization Program ng pamahalaan.
Kabilang sa mga nagsuspindi pa rin ng in-person classes ang Las Piñas City.
Ang suspension ng klase ay mula ngayong araw hanggang Biyernes sa lahat ng public schools sa lahat ng lebel.
Kasama rin sa mga nagsuspindi ng face-to-face classes ang Pasig City ngayong araw lamang sa lahat ng public at private schools at sa lahat ng antas.
Samantala, ang Taguig City ay magsasagawa na ngayong araw ng in-person classes sa lahat ng public at private schools sa lahat ng antas.
Sinabi ng Taguig City government na ang pagbabalik ng klase ay dahil naobserbahan ng mga itong sa dalawang araw ng tigil pasada ay hindi naman apektado ang public transport sa lungsod.
Ito ay dahil daw sa well-coordinated Libreng Sakay Program na inilunsad ng City Government sa pamamagitan ng kanilang partnership sa mga government agencies kabilang na sa mga transport groups.