Abot tuhod na ang baha sa ilang lugar sa Baseco sa Tondo, Maynila bunsod ng mga pag-ulan dala ng bagyong Enteng.
Kaugnay nito, inilikas na ang ilang mga residente sa Baseco compound nitong umaga ng Lunes, Setyembre 2.
Ayon sa ilang residente, ang tubig dagat ay halos umapaw na at posibleng tuluyang umapaw ito kapag nagpatuloy ang matinding mga pag-ulan.
Sa obserbasyon din ng mga ito, ang mga alon sa Manila Bay ay lumalaki dahil na rin sa malalakas na hangin na nagbunsod sa kanila para lumikas na.
Batay naman sa mga barangay official, umaabot na sa 20 hanggang 30 residente ang inilikas karamihan ay mula sa Block 1 at 2.
Patuloy naman ang paghimok ng mga opisyal sa iba pang residente na lumikas na lalo na ang mga naninirahan malapit sa Manila Bay dahil ilan sa mga kabahayan na malapit sa dagat ay inaabot na ng malalaking alon.