NAGA CITY – Sinalubong ngayon ng baha at pagguho ng kalupaan an ilang bayan sa probinsya ng Camarines Sur matapos salubungin ang Bagong Taon.
Sa inilabas na data ng Office of Civil Defense (OCD) Bicol, nakapagtala ng 23 na mga flooding incidents sa 10 bayan at isang lungsod sa Bicol region kung saan naitala ang mga ito sa lalawigan ng Sorsogon, Albay at Camarines Sur.
Sa mga binahang lugar sa CamSur ito ay ang Gimagtocon spillway sa bayan ng Lagonoy kung saan unpassable sa ngayon; Brgy. Penitan sa bayan ng Siruma; Ayagan spillway at Gatbo-Del Rosario spillway sa bayan ng Ocampo na unpassable rin sa ngayon, habang dalawa naman sa bayan ng Buhi kung saan lubog sa baha ang ilang parte ng barangay San Buenaventura at San Pascual.
Aabot rin sa 11 ang landslide incidents na naitala sa limang bayan at isang lungsod sa mga lalawigan ng sorsogon at Camarines Sur, kung saan dalawa dito ay sa bayan ng Libmanan partikular na sa Brgy. Malinao at sa Barangay Genorangan sa bayan naman ng Lagonoy.
Ito ay matapos ang walang tigil na pag-uulan simula kahapon hanggang sa pagpalit ng taon.
Sa ngayon aabot rin sa 30 pamilya ang nag-evacuate sa CamSur, ito ay naitala sa Brgy. Bongalon sa bayan ng Sagnay na katabing barangay ng Patitinan na kilala sa tawag na “no man’s land” na kung matatandaan, dahil sa walang tigil na pag-uulan na dala ng bagyong Usman ng nagdaang taon matapos na gumuho ang malaking parte ng bundok na kung saan ay maraming residenteng namatay dalawang araw bago sumapit ang bagong taon.
Sa ngayon patuloy pa rin nararanasan ang kalat-kalat na pag-uulan sa ilang bayan sa lalawigan ng Camarines Sur.