Nagtamo ng sugat ang ilang pasahero ng isang cruise ship sa Italy matapos itong sumadsad sa isang tourist river boat.
Nangyari ang pagbangga ng MSC Opera bandang 8:30 ng umaga sa Giudecca Canal. Ang cruise ship na ito ay may haba na 275-meter o 900ft.
Base sa videos na ibinahagi ng netizens sa Twitter, kitang-kita kung paano tumama ang nasabing cruise ship sa bangka.
Nagtalunan naman ang ibang mga pasahero sa tubig upang makaligtas.
Sa pahayag na inilabas ng MSC Cruises, may-ari ng MSC Opera, nakatakda sana itong dumaong sa passenger terminal sa Venice nang makaranas ito ng problema sa makina. Sinubukan naman ng dalawang towboats ship na i-guide ang cruise ship para maiwasan ang aksidente ngunit bigo ang mga ito.
Ayon sa medical authorities, apat na babaeng turista – American, New Zealander, dalawang Australians na tinatayang nasa edad 67 at 72 – ang nagtamo ng sugat nang subukan nilang makaligtas mula sa aksidente.
Dahil dito, nanawagan si Environment Minister Sergio Costa na tuluyan nang ipagbawal ang pagpasok ng cruise ships sa kanilang lugar dahil nagdadala lamang daw ang mga ito ng polusyon sa kanilang katubigan.
“What happened in the port of Venice is confirmation of what we have been saying for some time,” bahagi ng pahayag ni Costa sa kanyang tweet.
“Cruise ships must not sail down the Giudecca. We have been working on moving them for months now… and are nearing a solution,” dagdag pa nito.
Ang Giudecca ay isa sa major waterways sa Venice na konektado sa popular na St. Mark’s Square.
Noong 2013, ipinagbawal na ang mga barko na may bigat na 96,000 tonnes sa Giudecca canal ngunit kalaunan ay na-overturn din ang patakaran na ito.