-- Advertisements --

VIGAN CITY – Tahasang inihayag ng isang mambabatas na ilang mga board members ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) umano ang utak ng katiwalian sa ahensya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Probinsiyano Ako Partylist Rep. Jose Singson, ang nasabing mga board members daw ang dapat na imbestigahan at isailalim sa masusing lifestyle check.

Aniya, kung mapatunayan umano na ang mga ito ay lumabag sa batas at talagang sangkot sa katiwalian, marapat lamang na sila lamang ang maparusahan.

Ayon kay Singson, may mga board member umano na gumagawa na lamang ng board resolution na pabor sa ilang mga indibidwal o grupo na gustong kumuha ng prangkisa ng mga gaming operations ng PCSO, lalo na ang Small Town Lottery.

Ngunit, imbes na pumasok umano sa ahensya ang mga kinikita ng mga nasabing franchisee, dumidiretso umano ito sa mga nasabing opisyal dahil wala namang resibong naibibigay sa kanila.

Pabor umano ang nasabing partylist sa hakbangin na ipasara ang mga gaming operations ng PCSO dahil sa kurapsyon ngunit nais nilang maibalik ang operasyon ng STL dahil marami umanong mga naninirahan sa probinsiya ang mawawalan ng trabaho.

Una nang sinabi ni PCSO general manager Royina Garma na bukas daw ang kanilang ahensya sa anumang imbestigasyon kaugnay sa naturang isyu.