Ilang mga bigating personalidad ang nagpaabot din nang pagbati kay Filipino Canadian tennis player Leyla Fernandez matapos na umabot ito sa finals ng US Open.
Isa rito si retired NBA player at ngayon ay Brooklyn Nets coach Steve Nash na personal na nanood sa laban ng 19-anyos na si Fernandez sa semifinals.
Makikita si Nash na katabi mismo nito ang kaanak ni Fernandez sa tennis box.
Sinabi ni Fernandez na ginawang inspirasyon ng kaniyang ama si Nash noong nagsasanay sa paglalaro ng tennis.
Naging matindi ang mga pagsubok na dinaanan ni Nash bago tuluyang magtagumpay sa larangan ng basketball.
Bukod pa kay Nash, nagpaabot naman nang pagbati sa pamamagitan ng kaniyang Twitter si Canadian Prime Minister Justine Trudeau dahil sa tagumpay nito.
Magugunitang tinalo ni Fernandez si Aryna Sabalenka ng Belarus sa semifinals.
Bago makarating sa semifinals ay ilang sikat na tennis player ang kaniyang tinalo sa nasabing torneyo gaya nina defending champion Naomi Osaka, 2016 champion Angelique Kerber at world’s number 5 Elina Svitolina.
Makakaharap ni Fernandez sa finals si Emma Raducanu ng Britanya bukas ng madaling araw.