-- Advertisements --

Pormal nang inaprubahan ni US President Donald Trump ang US 2020 budget na naglalaman din ng probisyon kung saan ipinagbabawal pumasok ng Estados Unidos ang mga taong sangkot sa pagpapakulong kay Sen. Leila De Lima.

Sang-ayon sa probisyon ng denial of entry, lahat ng mga opisyal ng gobyerno ng ibang mga bansa na may kinalaman sa aniya’y maling pagkakakulong sa ilang mga personalidad, gaya ni de Lima, ay hindi na pahihintulutang makatapak pa sa Amerika.

Ang naturang amendment na ito ay nakapaloob sa US Fiscal Year 2020 State and Foreign Operations Appropriations Bill na inihain nina US Senators Richard Durbin at Patrick Leahy noong Setyembre.

Inaasahan namang maglalabas ang US State Department ng listahan ng mga Philippine officials na pagbabawalan sa US.

Una nang pinangalanan ni De Lima ang mga opisyal na nasa likod ng kaniyang pagkakakulong kasama na rito si President Rodrigo Duterte na pinaniniwalaan nitong kumokontrol sa mga inmates-witnesses nang ipag-utos nito ang paglipat sa kanila sa isang military facility.

Kabilang din dito sina presidential spokesperson Salvador Panelo, former Presidential Communications Operations Office official Mocha Uson, former House Speaker Pantaleon Alvarez, Public Attorneys Office chief Persida Acosta at Sandra Cam.

Ganito rin ang hakbang na gagawin laban sa mga opisyal ng Egypt, Turkey at Saudi Arabia.