BAGUIO CITY – Nagdurusa ngayon ang ilang mga Pinoy workers sa bansang Egypt matapos mawalan ng trabaho ang mga ito dahil sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Shiema Feliciano, isang overseas Filipino workers sa Egypt, karamihang naapektuhan na mga OFWs sa Egypt ay ang mga caregivers dahil naalis sa trabaho ang mga ito.
Paliwanag niya, inalis ng mga employers ang mga nasabing Pinoy caregivers dahil umano sa takot na mga coronavirus carrier ang mga ito.
Mayroon naman aniyang mga employers doon na nagbigay ng konsiderasyon sa mga empleyado nilang mga Pinoy at ibinigay nila ang suweldo ng mga ito kahit temporaryo silang naalis sa trabaho.
Gayunman, mayroon ding aniyang mga employers na hindi man lang nagbigay ng tulong pinansiyal sa kanilang mga apektadong empleyado.
Binahagi niya na may mga Pinoy sa Egypt na nangungutang sa mga kasama nilang mga Pinoy bagaman mahirap din magpadala ng tulong sa mga apektadong Pinoy doon dahil sa umiiral na lockdown.
Sa ngayon, higit na sa 3,000 ang positibong kaso ng COVID-19 sa Egypt habang higit 220 ang mga nasawi.