-- Advertisements --
ILOILO CITY – Hati ang reaksyon ng mga Pilipino sa Afghanistan sa naging hakbang ni Afghan President Ashraf Ghani kasunod ng pagsakop ng Taliban militants sa Kabul, ang kapitolyo ng bansa at kung saan matatagpuan ang presidential palace.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Joseph Glenn Gumpal, sinabi nito na itinuturing na pag-abandona ang ginawa ng opisyal sa panahon na higit na kinakailangan ito ng mga mamamayan.
Ayon kay Gumpal, mayroon namang sumaludo sa ginawa ni Ghani dahil ito lang ang paraan upang maiwasan ang madugong labanan at madamay ang maraming mga sibilyan.
Sinabi pa nito na bagamat walang katiyakan ang seguridad ng mga Pilipino sa nasabing bansa, mas pipiliin ng iba na hindi na muna umuwi at pumunta na lang sa neutral area.