Kinumpirma ng J.J. Ugland Companies na mga Pilipino ang crew ng M/V Lunita, ang barkong nahulihan ng dalawang toneladang cocaine sa South Korea.
Nanatili pa rin sa barko ang mga crew, at kumuha ang kompaniya ng abogado upang tulungan sila sa sitwasyon.
Ang Norwegian-flagged cargo vessel ay dumating sa Okgye, South Korea, noong Abril 4, at dito natagpuan ng mga otoridad ang droga na nakatago sa barko.
Isinasagawa pa ang imbestigasyon upang alamin kung paano napasok sa barko ang mga droga.
Nakikipagtulungan ang kompaniya sa mga kinauukulang tanggapan sa South Korea at iba pang bansa upang makatulong sa imbestigasyon.
Mahigpit na sinusunod ng J.J. Ugland Companies ang zero tolerance policy laban sa illegal na gawain at magsasagawa umano sila ng pagsusuri hinggil sa kanilang pasilidad at tauhan.
Ang M/V Lunita ay regular na nag-o-operate at kamakailan lamang ay bumisita sa mga pantalan sa Mexico, Ecuador, Panama, China, at South Korea.