-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Sa kabila ng kaguluhan sa bansang Israel, minabuti pa rin ng ilang overseas Filipino workers na manatili sa bansa upang ipagpatuloy ang kanilang trabaho para sa kanilang pamilya dito sa Pilipinas.

Isa na rito si Bombo International Correspondent Glenn Trinidad Repollo na halos siyam na taon nang nagtatrabaho sa holy land kung saan, ang kasalukuyang gyera laban sa mga Hamas at Hezbollah ang lubos nilang kinatatakutan ngunit nananatili silang matatag at kumakapit na lamang sa dasal para sa kanilang kaligtasan sa araw-araw na pananatili sa nasabing bansa.

Kaliwa’t kanan aniya ang mga tumutunog na sirena at may 30 minuto lamang sila upang makapasok sa shelter na kanilang pagtataguan at makalabas lamang ang mga ito kung matiyak na naintercept na lahat ng missiles na ipinapalipad mula sa mga kalabang bansa.

Kahit walang katiyakan ang kanilang kaligtasan ay mas pinili parin ng mga ito na manatili ngunit may ilang Pinoy ang umuwi na sa bansa dahil sa stress, trauma at takot para sa kanilang buhay.

Sa kasalukuyan ay nakaalerto ang lahat ng mga Pinoy at mahigpit na sinusunod ang mga ipinapatupad na restriction sa nasabing bansa.