BAGUIO CITY – Natatakot pa rin ang ilang mga kababayang Pilipino matapos makaranas ang mga ito ng pagkahilo dahil sa malakas pagyanig na dulot ng magnitude 6.1 na lindol na tumama sa coastal city ng Hualien sa Taiwan pasado ala-1:00 ng hapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Madonna Wailan, tubo ng Kalinga at factory worker sa Hsinchu, Taiwan, inilarawan niya na parang idinuduyan ang kompanya kung saan siya nagtatrabaho dahil sa lakas ng lindol.
Aniya, bagamat malayo sila sa Hualien na sentro ng lindol ay malakas pa rin ang naranasan nilang pagyanig sa Hsinchu.
Sinabi naman ng isang Pinay na nakapag-asawa sa Taiwan na parang dinuduyan din ang kanilang bahay kaya hindi niya naiwasang magsisisigaw at tumakbo siya kasama ang kanyang asawa at biyenan palabas ng bahay.
Ibinahagi pa ng ilang mga kababayang Pinoy sa Taiwan na naramdaman din nila ang lakas ng lindol na para umanong matutumba na ang mga gusali kinaroroonan nila.
Gayunman, pinagpapasalamat ng mga ito na nasa ligtas pa rin ang kanilang kalagayan bagamat lubhang natakot ang mga first timers makaranas ng nasabing kalakas ng lindol.
Ayon naman sa Samahang Pinoy Sa Taiwan, wala pa silang nababalitaang mga kababayan na apektado sa insidente na nagresulta sa pag-shut down ng Taipei MRT at airport MRT doon.
Napag-alaman na maliban sa Taiwan ay naramdaman din ang epekto ng lindol sa Japan at dito sa Pilipinas, partikular sa Ilocos Sur.