Ibinahagi ng ilang Pinoy sa Thailand na nasa ligtas na kalagayan kasunod ng pagtama ng malakas na lindol sa Myanmar na naramdaman din sa Bangkok, Thailand pasado tanghali nitong Biyernes Marso 28.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, iniulat ni Bombo International News Correspondent at Thailand-based teacher na si Aldrin Manlapaz na wala pang napaulat na mga Pilipino sa Thailand na naapektuhan sa malakas na lindol. Ilan aniya sa mga Pilipinong nagtratrabahong guro sa Thailand ay nagsiuwian dahil bakasyon na ng mga estudyante habang may iilan na nagtuturo sa mga paaralan na may summer classes.
Ikwinento din ng Pinoy teacher na naramdaman din ang malakas na lindol sa kanilang lugar na nasa outskirts ng Bangkok na nagtagal aniya ng nasa less than 10 minutes.
Aniya, noong tumama ang lindol nasa kasagsagan ito ng pagtuturo sa kaniyang mga batang estudyante. Bagamat sanay na ito sa nangyayaring lindol sa Pilipinas, sa kaniyang tatlong taong pananatili sa Thailand, ito aniya ang unang pagkakataon na naramdaman ang malakas na lindol sa naturang bansa kayat hindi aniya gaanong aware ang karamihan doon sa mga dapat na gawin kapag mayroong lindol kayat maraming mga nataranta sa nangyari.
Agad naman kumilos aniya ang gobyerno ng Thailand at nagpakalat ng rescue units.
Nagbabala din ang local officials doon para sa posibleng aftershocks kasunod ng malakas ng pagyanig.
Nitong Biyernes, itinuturing na “mass casualty” o marami ang nasawi sa Myanmar at Thailand kasunod ng tumamang malakas na lindol.
Ito ay matapos na gumuho ang ilang mga gusali at mga tulay na nagresulta sa pagka-trap ng mahigit 80 manggagawa sa under-construction na high-rise building sa Bangkok. Idineklara din ang state of emergency sa 6 na pinakamatinding naapektuhang rehiyon sa naturang bansa.